Southern Luzon State University

Southern Luzon State University

Oryentasyon para sa mga bagong estudyante ng SLSU, isinagawa

Pinangunahan ng Office of Student Affairs and Services (OSAS) ang pangkalahatang oryentasyon para sa mga bagong estudyante ng Southern Luzon State University noong ika-12 ng Agosto sa University Gymnasium.

Bago magsimula ang itinakdang programa, nagkaroon muna ng misa kung saan hinikayat ni Rev. Msgr. Melecio V. Verastigue ang mga mag-aaral na magsumikap at pahalagahan ang libreng pag-aaral sa unibersidad.

Kaugnay nito, nanawagan din sa panimulang bahagi ng programa ang VP for Academic Affairs na si Dr. Dhenalyn A. Dejelo. Aniya, nararapat na gawing prayoridad ang pag-aaral nang sa gayon ay maibalik ang karunungan at paglingkuran ang bayan.

Pinangunahan naman ni University President, Dr. Frederick T. Villa ang pagdeklara ng pagbubukas ng klase. Idiniin niya sa kanyang mensahe na huwag kalimutan ang pinakaprayoridad ng isang estudyante – ang mag-aral. Dagdag pa niya, siniguro ng Pangulo na kaagapay ng lahat ng mag-aaral ang kaguruan, empleyado, at ang buong komunidad ng SLSU upang maging gabay at tumulong sa buong taon nila sa kolehiyo.

Bilang introduksyon sa pagkakakilanlan ng pamantasan, ibinagi ni Mr. Anthony L. Empamano, Planning Officer I at Center Chief ng Center for Hazard and Environmental Resource Mapping (CHERM), ang impormasyon hinggil sa SLSU logo at Vision, Mission, at Goals ng paaralan. Ipinakilala naman ng Executive Assistant III na si Mr. Jay Mel Nicomedez, R. Agr., ang mga opisyal na pumapaloob sa Board of Regents (BOR), Direktor ng mga campus, at iba pang mga opisina sa ilalim ng Pangulo ng Pamantasan. Para naman sa mga opisyal at opisina sa ilalim ng mga Bise Presidente ng Administrative and Financial Affairs (AFA); Research, Extension, Production, Development, and Innovation (REPDI); at, Academic Affairs (AA); nagpresenta ang kani-kanilang mga namumuno.

Ibinahagi rin ang maikling introduksyon ng iba’t ibang organisasyong pang-estudyante sa pamamagitan ng bidyo. Dagdag pa rito, upang higit na maengganyo ang mga mag-aaral na hasain ang kanilang kakayahan sa iba’t ibang larangan, nagkaroon ng maiksing intermisyon ang ilang organisasyon, kagaya ng Sinag Banahaw Cultural Dance Troupe, SLSU Chorale, at SLSU Rondalla, at nagtayo rin ang iba pa ng mga booth sa Covered Court.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang Dekano ng OSAS na si Asst. Prof. Aurelio Teodoro Maguyon, III, ng pagkakataong ipakilala ang mga serbisyo para sa mga estudyante na maaaring mailaan ng mga yunit na kanyang nasasakupan.

Sa pagtatapos ng programa, pinaalalahanan ng namumuno ng Guidance, Counseling and Testing Center, na si Bb. Joanna Rodessa R. Capilitan, RGC, na huwag mag-atubili ang sinumang nangangailangan ng makakausap o tulong na magtungo sa kanilang tanggapan.

Litrato, layout, at artikulo ni: SMRRivere

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top