Southern Luzon State University

Southern Luzon State University

SLSU, pinagtibay ang Gender and Development; usaping SOGIESC, pinagtuunang pansin

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Ika-61 taong anibersaryo ng Southern Luzon State University (SLSU), nagsagawa ang Gender and Development (GAD) Office ng seminar hinggil sa pundamental ng GAD at usapin patungkol sa Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) sa temang,“Building an Inclusive SLSU: Gender Sensitivity Training for Students and Employees”, na may layuning mapalawak ang kaalaman, itaguyod ang pagiging inklusibo, at palalimin ang pag-unawa ng mga guro, kawani, at mag-aaral sa mga konseptong pagkasarian, Agosto 13.

Pinangunahan ni Dr. Leomar Miano, dating direktor ng GAD Office, ang pagbabahagi ng mahahalagang kaalaman ukol sa kahalagahan ng pagkilala at pagbibigay-galang sa karapatan at dignidad ng bawat isa, anuman ang kasarian, sexual orientation, at gender expression.

Tinalakay rin ang mga pangunahing konsepto, itinama ang ilang maling akala o misconceptions, at binigyang-diin ang papel ng pagiging sensitibo at inklusibo sa kapaligirang pang-akademiko at pangtrabaho.

Bahagi rin ng programa ang open mic session kung saan malayang nakapagtanong at nakapagpahayag ng saloobin ang mga guro at mag-aaral hinggil sa diskriminasyon, karapatan, at iba pang usaping pangkasarian—na nagbukas ng mas malalim na diskurso at nagpapatibay sa layunin ng seminar na lumikha ng ligtas at inklusibong komunidad sa loob ng institusyon.

Kaugnay nito, binigyang-pansin din ang papel ng GAD at SOGIESC sa mas malawak na konteksto na kung paano ang mga polisiya at programa sa Gender and Development ay nakatutulong sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon, pagpapalakas ng partisipasyon ng lahat ng kasarian, at paghubog ng mga mag-aaral na mas maging kabahagi ng inklusibidad sa loob ng SLSU.

Sa pagtatapos ng programa, ipinahayag ng GAD Office ang kanilang inisyatiba na ipagpatuloy ang ganitong uri ng mga gawain sa pamamagitan ng mas marami pang seminar, pagsasanay, at proyektong nakatuon sa gender sensitivity at inclusivity.

Panulat at Lapat ni: Tricia A. Villarama

Scroll to Top