Southern Luzon State University

Southern Luzon State University

Guro ng SLSU, kinilala ng SOLCOM bilang Makabagong Bayani ng Edukasyon

Kinilala ng Southern Luzon Command (SOLCOM, AFP) si Dr. Noreen Peñamante-Echague ng Southern Luzon State University (SLSU) bilang “Makabagong Bayani ng Edukasyon” dahil sa kanyang tapat na paglilingkod at natatanging ambag sa larangan ng edukasyon, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani noong Agosto 25 sa Quezon Convention Center.

Sa isinagawang Gabi ng Pagkilala, inilahad ang mahahalagang kontribusyon at matatag na dedikasyon ni Dr. Echague bilang isa sa mga makabagong bayani ng ating bansa. Ang kanyang paglilingkod ay nagsilbing inspirasyon hindi lamang sa Katimugang Luzon kundi maging sa buong sambayanang Pilipino, at lalo niyang pinatatatag ang pundasyon ng pagkamakabayan, katatagan, at kaunlaran ng bayan.

Bilang isang kawaksing propesor at gurong tagapamatnubay sa SLSU, dating dekana ng Office of Student Affairs and Services, at tagapangulo ng Career and Job Placement Unit, masigasig niyang isinusulong ang dekalidad at holistikong edukasyon para sa kabataang Pilipino. Kabilang sa kanyang mahahalagang ambag ang pamumuno sa student services component ng aplikasyon para sa pagbubukas ng SLSU College of Medicine.

Pinalawak pa niya ang kanyang kaalaman sa pamamagitan ng pagiging iskolar ng Public Management Development Program (PMDP) sa Development Academy of the Philippines. Siya rin ay nagpakadalubhasa sa pamamagitan ng doctorate degree sa edukasyon, at siya ay isang Registered Guidance Counselor, Registered Psychometrician, at Licensed Professional Teacher—patunay ng kanyang malalim na kaalaman at kahusayan sa larangan ng edukasyon at serbisyong pangkomunidad.

Hindi natatapos sa loob ng silid-aralan ang kanyang paglilingkod. Patuloy siyang nagbibigay ng career guidance, counseling sessions, psychotherapy, at mga programang ukol sa mental health para sa iba’t ibang sektor sa komunidad. Isinusulong din niya ang inklusibong edukasyon para sa mga katutubong mag-aaral sa pamamagitan ng Project T.I.K.A.S. (Tungo sa Integrasyon at Karunungan ng mga Student IPs) na tumutulong sa kanilang pagpasok sa kolehiyo, pagsasanay, at pagbuo ng mga ugnayan sa mga pampubliko at pribadong institusyon.

Sa naturang okasyon, sinamahan si Dr. Peñamante-Echague ng kanyang mga anak at mga katuwang sa kanyang paglalakbay bilang lingkod-bayan, kabilang sina G. Gino A. Cabrera, Faculty Regent ng SLSU, at Bb. Genecille P. Aguirre, Quezon Provincial PESO Manager.

Sa pamamagitan ng kanyang kahusayan, malasakit, at walang pag-iimbot na paglilingkod, ipinapakita ni Dr. Noreen Peñamante-Echague na ang mga bayani sa makabagong panahon ay yaong tahimik na nagsusulong ng pag-asa, kaalaman, at pagbabago—para sa mga indibidwal, komunidad, at sa kinabukasan ng ating bayan.

// Panulat at Larawan: Gino A. Cabrera
Lapat: April Arianne A. de Leon

Scroll to Top