Southern Luzon State University

Southern Luzon State University

Mga bago at natatanging ambag ng mga miyembro ng SLSU Lupon ng mga Rehente, kinilala

Kinilala ng Lupon ng mga Rehente ang mga bago nitong miyembro at ang tatlong natatanging indibidwal sa kanilang tapat na paglilingkod bilang bahagi ng Lupon, sa ika-157 na Regular na Pulong ng Lupon ng mga Rehente ng Southern Luzon State University (SLSU) na ginanap noong Agosto 20, sa Commission on Higher Education Central Office, C.P. Garcia Avenue, UP Diliman, Lungsod ng Quezon.

Pormal na nanumpa sa kanilang tungkulin sina Kgg. Gino A. Cabrera at Kgg. Jan Angelo Claierx Paderon bilang mga bagong Kinatawan ng mga Guro at ng mga Mag-aaral sa Lupon. Ang seremonya ay nagsilbing mahalagang hakbang sa patuloy na pagsusulong ng inklusibong pamamahala sa SLSU, kung saan buong puso nilang ipinangako na isusulong ang adhikain at misyon ng unibersidad.

Samantala, ginawaran ng Plake ng Pagkilala sina Dr. Bernadita E. Brillon, dating Kinatawan ng Kaguruan sa Lupon ng mga Rehente, at Bb. Izza Mae B. De Guzman, dating Kinatawan ng mga Mag-aaral, bilang pagpapahalaga sa kanilang makabuluhang ambag sa mga inisyatibo ng unibersidad at sa suportang inilahad tungo sa kaunlaran ng buong pamayanang akademiko. Bukod dito, iginawad din ng Lupon ng mga Rehente ang isang Plake ng Pagkilala kay Kgg. Emelita P. Bagsit, Pangrehiyong Direktor ng Department of Science and Technology (DOST) IV-A, bilang pagkilala sa kanyang natatanging pamumuno bilang dating Tagapangulo ng Komite sa Pananalapi ng Lupon ng mga Rehente ng SLSU. Sa pamamagitan ng mga pagkilalang ito, ipinapahayag ng SLSU ang malalim na pasasalamat sa kanilang masigasig na paglilingkod at matatag na pamumuno na naging sandigan ng unibersidad sa pagtahak ng landas patungo sa karangalan at kahusayan.

Ang pangyayaring ito ay nasaksihan ng mga iginagalang na miyembro ng Lupon, kabilang sina Komisyoner Marita R. Canapi, Kgg. Frederick T. Villa, Kgg. Maria Anjanette Vicenta, Kgg. Cesar Ruperto P. Ong, Kgg. Carmel P. Matabang, Kgg. Irvin M. Alcala, at Kgg. Nelson C. Licup. Dumalo rin si Dr. Rogelio T. Galera Jr. bilang tagapagsalita o resource person sa nasabing pulong.

Larawan at artikulo: Jertrina P. Dator
Layout: SMRRivere

Scroll to Top