.png)
Noong ika-5 hanggang ika-7 ng Agosto, isinagawa ang pagsasanay sa fishery law enforcement para sa ikalawang grupo ng mga miyembro ng Bantay Dagat mula sa mga bayan ng Alabat, General Nakar, Perez, at Real, Quezon.
Ginanap ang aktibidad sa National Brackishwater Training Center (NBTC) sa Pagbilao, Quezon, na naglalayong palakasin ang kaalaman ng mga kalahok sa tamang pagpapatupad ng mga batas pangkaragatan. Ang gawaing ito ay parte ng proyektong Environmental Justice Sector Reform Project – Phase 3 sa tulong na pinansyal mula sa U.S. Department of Interior – International Technical Assistance Program.
Pinangunahan ng mga ekspertong abogado mula sa Tanggol Kalikasan na sina Atty. Rolando R. Recto at Atty. Psyche P. Tolentino ang pagsasanay. Sa unang araw, tinalakay ni Atty. Tolentino ang tungkol sa estado at kalagayan ng kapaligiran, partikular sa pagpapatupad ng batas pangkaragatan pati ang Fisheries Code of the Philippines o Republic Act (R.A.) 10654.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Atty. Recto ang mga probisyon ng Chainsaw Act, Wildlife Act, at NIPAS Act. Pati na rin ang tamang proseso ng Arrest, Search, Seizure and Detention.
Sa ikalawang araw, nagbigay si Atty. Recto ng mga gabay sa wastong pagsasampa ng mga kasong administratibo at kriminal. Pagkatapos, tinalakay ni Atty. Tolentino ang mga uri ng ebidensyang maaaring ihain sa hukuman at ang tamang pagsulat ng affidavit.
Bilang panghuling sesyon, ipinakilala ni G. Leandro S. Menguito, isang espesyalista sa pagsasanay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region IV-A, ang proseso ng pagtatalaga ng mga bantay-dagat. Nagkaroon din ng workshop kung saan gumawa ang mga kalahok ng affidavit at role-playing batay sa mga senaryong may kinalaman sa ilegal na gawain sa kanilang mga municipal waters.
Sa huling araw, ipinakita ng bawat grupo ang kanilang ginawang affidavit at isinagawa ang role-playing, sa pangunguna ni Gng. Zenaida P. Bernal, batikang miyembro ng Tanggol Kalikasan, batay sa itinakdang senaryo.
“The Bantay Dagat are not just law enforcers; you are unsung heroes who help preserve the lifeblood of our communities [Ang Bantay Dagat ay hindi lamang tagapagpatupad ng batas; kayo ay mga bayaning hindi kilala ngunit tumutulong sa pagpreserba ng buhay at kabuhayan ng ating komunidad],” ang pahayag ni Dr. Frederick T. Villa, Pangulo ng SLSU, sa kanyang mensahe na inihatid ni Dr. Felino J. Gutierrez, Jr., na nagpapakita ng dedikasyon at suporta ng universidad sa mga gawaing pangangalaga sa kalikasan. Ang pagsasanay ay naging matagumpay sa pagpapalawak ng kaalaman at kakayahan ng mga Bantay Dagat sa pagsugpo ng mga ilegal na gawaing pangisdaan.
Larawan, panulat ni: JDMerjudio