Ang Southern Luzon State University ay nakiisa sa isinagawang US Study Tour na bahagi ng proyektong “Environmental Justice Sector Reform Project, Phase III” ng Tanggol Kalikasan, Inc. Ito ay isinagawa sa Honolulu, Hawaii, at Isla ng Hawai'i noong Hulyo 28 hanggang Agosto 3, 2024.
Limang unibersidad at kolehiyo na nasa baybayin ng Philippine Rise (Benham Rise) ang nakibahagi sa programang ito. Kabilang na rito ang Southern Luzon State University (SLSU) sa pangunguna ni Dr. Frederick T. Villa, ang Aurora State College of Technology (ASCOT) kasama si Dr. Renato G. Reyes, Cagayan State University (CSU) kasama ang kanilang opisyal na tagapamahala na si Dr. Arthur G. Ibañez, Isabela State University (ISU) kasama si Dr. Ricmar P. Aquino, at ang Camarines Norte State College (CNSC) sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Dr. Marlo M. De La Cruz. Kabilang din sa aktibidad na ito ang mga gobernador at opisyal na delegado ng limang probinsya ng Aurora, Camarines Norte, Isabela, at Quezon.
Ang mga kalahok sa aktibidad na ito, kasama ang mga pangulo at gobernador, ay bumisita sa State of Hawaii’s Department of Land and Natural Resources, Division of Forestry and Wildlife: Forestry Program, State of Hawaii Division of Aquatic Resources, Fish and Wildlife Service Offices, kung saan pinakilala sila sa hakbangin upang maprotektahan at maibalik ang kasaganahan ng mga kagubatan ng Hawaii pati na rin ang kanilang karagatan at ang mga namumuhay doon. Nakapanayam din nila ang tagapangalaga ng Papahanaumokuakea Marine National Monument, ang pinakamalaking marine conservation area sa United States.
Nasaksihan din nila ang mga gawaing pangkapaligiran ng US Coast Guard, District 14 Pacific Area, at NOAA Fisheries, Pacific Islands Regional Office. Isa pa sa kanilang binisita ay ang University of Hawaii Hilo, partikular ang kanilang Center for Community Engagement, College of Agriculture, Forestry, and Resource Management, Marine Science Department, at ang Geography and Environmental Science Department. Binisita rin nila ang Kaloko-Honokohau National Historical Park, Honua’ula Forest Reserve, at ang Pearl Harbor National Memorial.
Ang bahaging ito ng proyektong EJSRP 3 ay naglalayong magbigay ng kaalaman at inspirasyon tungkol sa mga batas pangkapaligiran at mga gawaing nakakatulong sa pamamahala ng kalikasan, karagatan, at kapaligiran na ipinapatupad sa Honolulu at isla ng Hawai’i.