Isinasagawa ngayon ang ikalawang Lambanog Festival sa Tayabas Campus ng Southern Luzon State University (SLSU), sa pangunguna ng Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A, upang mapanatiling dekalidad at may kinabukasan ang tradisyon ng lambanog sa probinsya ng Quezon.
Bilang bahagi rin ng pagdiriwang ng ika-40 na National Coconut Week, idinaos ng PCA IV-A ngayong Agosto 25 ang naturang festival na may temang “Tagay ng Tradisyon, Lasa ng Tagumpay.” Ibinida sa unang bahagi ng pagdiriwang ang paggawa ng lambanog, cultural performance, at pagtalakay sa pagkakaroon ng Geographical Indication o GI para sa Quezon Lambanog na siyang lubos na magpapatibay sa natatanging pagkakakilanlan nito bilang distilled coconut spirit drink ng probinsya.
Maliban sa mga talakayan at demonstrasyon, magkakaroon naman sa ikalawang bahagi ng selebrasyon ng patimpalak para sa lambanog cocktails at ang pagkakaroon ng “tagayan” session.
Samantala, kabilang sa mga nagpahayag ng suporta ang mga opisyal ng SLSU, PCA IV-A, at Department of Agriculture – Intellectual Property Management Office.
Panulat at lapat: SMRRivere
Larawan: The Skorpios sa pamamagitan nina Danalyn Subrida, Francine Hyacinth Ramos, Aaron Daluraya, at John Martin Castillo
Larawan: The Skorpios sa pamamagitan nina Danalyn Subrida, Francine Hyacinth Ramos, Aaron Daluraya, at John Martin Castillo