Southern Luzon State University

Southern Luzon State University

“ACHIEVE-aligned si SLSU” – CHEDRO IV-A

Sa opisyal na pagbubukas ng paggunita sa pagkakatatag ng Southern Luzon State University, binigyang-diin ng kinatawan ng Commission on Higher Education (CHED) IV-A na si Dr. Loupel B. Gueta, PCpE, Education Supervisor II and OIC Supervising Education Program Specialist, ang katotohanan ng tagline ng selebrasyon na “SLSU ACHIEVEs at 62” noong ikawalo ng Agosto.

Sa kanyang talumpati, tinampok ni Dr. Galera ang bawat aspeto ng ACHIEVE agenda ng CHED at kung paano kumikilos ang komisyon, kasama ang mga pamantasang nasasakupan nito, upang matugunan ang mga hamon sa pag-abot ng mga layunin sa ilalim ng agenda. Kinomendahan niya ang SLSU sa malinaw na pagtugon nito sa nasabing agenda, na ipinakita sa presentasyon ni Dr. Frederick T. Villa, Pangulo ng SLSU, sa kanyang pambungad na mensahe.

Sa naturang presentasyon, ibinahagi ni Pangulong Villa ang mga mahahalagang tagumpay ng pamantasan tulad ng ISO Certification Audit sa ilang kampus ng SLSU, pagkakamit ng Institutional Accreditation Level III, international na akreditasyon ng Midwifery Program, malawak na ugnayan at pakikipagtutulungan sa iba’t-ibang sektor ng lipunan, kasama na ang pagkilala sa mga mag-aaral na naging mga topnotcher at nakukuha ng mataas na passing rate sa mga licensure examination.

Idinagdag din niya ang mga natamong proyektong pang-imprastraktura, naisagawang mga digital transformation, at pagkilala sa good governance ng SLSU. Binanggit din ang ₱20M pondo para sa Tissue Culture Laboratory bilang malaking hakbang sa pananaliksik.

Sa hinaharap, ayon kay Pang. Villa, itutuon ng SLSU ang pagsisikap sa Philippine Quality Framework, pagpapatupad ng ISO 21001:2025, mas pinaigting na digital governance, pagpapalawak ng internasyonal na mga ugnayan, pagtatatag ng mas maraming research laboratory, at pagpapaunlad ng mga estudyante, guro at kawani.

Bilang konklusyon ni Dr. Gueta, may kaugnayan sa mga nabanggit na tagumpay at plano ng unibersidad, malaki ang magiging papel ng SLSU sa pag-abot sa mga adhikain ng pamahalaan para sa mataas ng edukasyon.

Gayunman, idiniin din ni Dr. Gueta na hindi kakayanin ng CHED, ni ng SLSU man, na maabot ang mga layunin nito sa sarili lang nitong pagsisikap. Kailangan ang pagtutulungan sa pamahalaan, mga akademya, mga industriya, civil society, at mga alumnus upang makapaghatid ng de-kalidad, makabago, inklusibo, at competitive na mataas na edukasyon.

Aniya, ito ang tunay na kahulugan ng temang “Pinagbuklod ng Husay at Serbisyo tungo sa Inklusibong Pagbabago.”
Panulat at Lapat: April Arianne A. de Leon
Larawan: Jake Española
Scroll to Top